ANG KASAYSAYAN NG BULACAN WATER DISTRICT
Marami pa rin sa ating mga taga-Bulakan ang tumatawag sa Bulacan Water District (BWD) bilang NAWASA. Pero alam nyo ba na ang NAWASA ay acronym lamang ng “National Waterworks and Sewerage Authority”. Ang NAWASA ay nalikha sa pamamagitan ng Republic Act (RA) 1383 noong taong 1955 sa kapanahunan ni Pangulong Ramon Magsaysay para maging tagapamahala ng suplay ng tubig at alcantarilla sa buong bansa.
Noong Hunyo 1971, sa panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos, ang batas na lumikha sa NAWASA ay napawalang bisa sa pamamagitan ng RA 6234 na syang lumikha sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na siyang mangangalaga sa tubigan sa Kalakhang Maynila, Rizal at ilang bahagi ng Cavite. Samantala, noong 1973, ang Local Water Utilities Administration (LWUA) naman ang nalikha sa pamamagitan ng Presidential Decree (PD) 198. Ang LWUA naman ang tagapamahala ng mga “Water Districts” sa mga lungsod at bayan sa mga probinsya.
Ang BULACAN WATER DISTRICT (BWD) ay isa lamang sa mga tanggapan na nasa tangkilik ng LWUA. Ang BWD ay nalikha sa pamamagitan ng Resolusyon ng Sangguniang Bayan Bilang 94 noong Setyembre 6, 1988 ng Munisipalidad ng Bulakan.
Ang mga unang natalagang Board of Directors (BOD) ay nagkaroon ng kanilang unang pagpupulong noong Nobyembre 25, 1988. Ang BOD ay binubuo nina Atty. Francisco M. Icasiano bilang Chairman (Professional Sector), G. Nestor A. Tiongson bilang Vice-Chairman (Community and Civic Organization), Gng. Julita W. Sanchez bilang Secretary (Education Sector), Gng. Milagros S. Enriquez bilang Treasurer (Women Sector), at G. Ricardo Lunod, Jr. bilang Auditor (Business Sector). Subalit hindi nagtagal, si G. Lunod, Jr. ay nagbitiw dahil sa kanyang naunang kompromiso sa kanyang negosyo. Siya ay hinalinhinan ni Gng. Cristina I. Magno. Si G. Pedro P. Pantaleon naman ang naitalaga bilang General Manager.
Sa pangunguna ni Mayor Escolastico V. Icasiano ay isinalin sa pangangalaga ng BWD ang Aguas Potables, siyam (9) na pumping stations at mga malalaking linya ng tubo (mainline). Ang “Deed of Transfer” ay naganap noong Disyembre 15, 1988.
Matapos makumpleto ang lahat ng mga kailangan, pinagkalooban na ng LWUA ang BWD ng Conditional Certificate of Conformance (CCC) no. 378 noong Enero 3, 1989. Ito ang simula ng pormal na operasyon ng serbisyo ng BWD para sa mamamayan ng Bulakan, Bulacan.
Sa tulong teknikal at pinansyal ng LWUA, ang BWD ay nagsikap na maisaayos ang suplay ng tubig. Ang mga luma at sirang tubo ay pinalitan, nagtayo ng mga bagong pumping stations at maging ang Aguas Potables ay ipinaayos at naging tanggapan ng BWD noong Agosto 1, 2001. Mula sa Average Water District Category ang BWD ay kabilang na sa Medium Category ng taong 2003.
Sa taon ding iyon, ang BWD ay pinamamahalaan ng mga sumusunod na BOD: G. Nestor A. Tiongson bilang Chairman (Community and Civic Organization Sector), Gng. Mercedes G. Gonzales bilang Vice-Chairman ( Women Sector), Gng. Emma A. Cornelio bilang Secretary (Business Sector), Gng. Beatriz M. Reyes (Education Sector) at Gng. Ma. Lourdes C. Dela Cruz (Professional Sector). Si G. Florencio C. Pantaleon naman ang General Manager.
Agosto 2008 si G. Florencio C. Pantaleon ay nagbitiw bilang General Manager dahil sa kanyang karamdaman. Kaya’t ang pamunuan ng BWD ay himingi ng tulong sa LWUA at ito ay nagpadala ng tulong sa katauhan ni Engr. Anabelle C. Gravador bilang “BWD Interim General Manager”(IGM) na tumagal ng anim na buwan. Ngunit kinailangan iwan ni Engr. Gravador ang pagiging IGM dahil pupunta sila ng kaniyang pamilya sa Canada. At dahil sa maraming problema ang BWD na dapat bigyang pansin ipinadala ng LWUA si G. Ricardo B. Abaño.
Sa dalawang taon mahigit na pamumuno ni G. Ricardo B. Abaño bilang Interim General Manager nagkaroon ng sarili at maayos na tanggapan ang BWD at naitatag ang mga sumusunod: San Francisco Dug Well; Pitpitan Dug Well; San Nicolas Water Treatment Plant; Bambang Water Treatment Plant; San Jose Pumping Station; Matungao Pumping Station at 150 cu.m. Steel Bolted Tank sa Gardenia Subd., Sta. Ana, Bulakan, Bulacan.
Sa ngayon, ang tagapatnugot ng BWD ay ang mga sumusunod: G. Emmanuel G. Mangio bilang Chairman (Community and Civic Sector); Gng. Sabina O. Farin bilang Vice-Chairman (Education Sector); Gng. Florinda B. Santos bilang Secretary (Professional Sector); Gng. Emma A. Cornelio (Business Sector); Bb. Josefina M. Libunao (Women Sector); Engr. Anabelle C. Gravador bilang pang-anim na miyembro mula sa Local Water Utilities Administration (LWUA) at si Engr. Ermelo C. Hernandez bilang General Manager.
Sa kasaysayan ng Bulacan Water District, at sa ilang taong nakalipas, marami ang naging pagbabago sa sistema ng pamamalakad ng ahensya at pagbibigay serbisyo publiko. Kaalinsabay na dito ang pagbabago ng logo.